Quantcast
Channel: Rey Langit – Manila Speak
Viewing all articles
Browse latest Browse all 617

EDSA Revolution

$
0
0

Ang EDSA Revolution na kilala rin sa tawag na “People Power Revolution” ay naganap taong 1986. Ang serye ng mga malalaking demonstrasyon ay nagsimula noong 1983, nang patayin si Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. Umusbong ang pag-aalsa ng mamamayan laban sa rehimeng Marcos dahil sa mga isyu ng karahasan at electoral fraud. Sentro ang kahabaan ng EDSA sa mga malalaking demonstrasyon. Pebrero 22-25, 1986 noon. Nakisali ang mahigit sa dalawang milyong mamamayan ang militar at mga religious groups sa pangunguna ni Jaime Cardinal Sin na noon ay Arsobispo ng Maynila.

THE ORIGIN

“Palatuntunang walang kinatatakutan, sapagkat ang pangahas nito’y kapangyarihan na nagmumula sa mamamayan…. PEOPLE POWER!”

Araw-araw, tuwing umaga, ito ang mga katagang laging namumutawi sa aking bibig. Ito ang Standard Intro ng programang….“Metro Manila Banat” namin ni Pareng Caloy sa himpilang DzRH.

Sinimulan naming isigawa ang People Power taong 1976. Martial Law noon. Makalipas ang  sampung taon, ang katagang  “People Power” ay naging palasak na sa Edsa, lumaganap sa Pilipinas, at umalingawngaw sa buong mundo.

THE LEGACY

Ang “People Power” na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos ay siya ring “People Power” na nagpatalsik kay Slobadan Milosevic, ang dictador ng Yugoslavia. Ganito din ang nangyari sa Nepal, Myanmar, Romania, Czech Republic, Korea, Germany, at  ang pinakahuli ay ang sa Egypt.

Bagamat ilang taon na ring namamayapa ang aking partner na si Pareng Caloy, nananatili pa rin sa diwa at isipan ng ating tagapakinig ang legacy na ito―ang pinagmamalaking LEGACY NI PARENG REY AT PARENG CALOY.
AND THE REST IS HISTORY!

BEST OF MY RECOLLECTION
Nagsimula ang lahat noong August 21, 1983,  tanghali, araw ng Linggo. Makalipas ng tatlong taong pananatili sa America, sakay ng China Airlines Flight 811 si Marcial Bonifacio, ang alias na ginamit ni Sen Ninoy Aquino Jr. Lumapag ang eroplano sa Manila International Airport.

Halos tugtugan lang ang maririnig sa mga himpilan ng radyo. Ito ang araw nang pamamahinga ng mga regular anchor at reporters. May programa akong live sa DZRH. Makalipas akong makatanggap ng isang classified information, dagli-dagli akong naghagilap ng reporter. Pinatakbo ko sina Aya Yupangco, Jim Ferrer, at Manny Bal sa Airport. At sa palatuntunan ko narinig ang detalyadong live coverage ng mga pangyayari.

Rey Langit, People Power Revolution, Feb18

SEQUENCE OF EVENTS

Sa pagbabalik ni Ninoy ay may banta na maaaring magkaroon ng masamang pangyayari. Dito na nga naganap ang malubhang pangyayari na nagpabago sa buhay nating mga Pilipino.

Mabilis ang mga kaganapan. Sumunod ang mga katagang “Pusila Pusila…Eto na, Eto na…Ako na, ako na!”

Kasunod na ang alingawngaw ng putok ng baril at naganap ang malagim na asasinasyon ni Sen. Ninoy Aquino. Nauwi ito sa mga demonstrasyon at outright civil disobedience ng mga Pilipino.

Unang narinig ang mga detalyadong kaganapan ng sambayanang Pilipino sa aking live broadcast noon sa aking pinangalingan na himpilang DZRH.

EVADE CAPTURE

“Mula po dito sa Cebu, pabalik na ako diyan sa Maynila. Maraming salamat sa iyo, Ginoong Rey Langit, sa impormasyon mong ito. Sa ating mga kababayan, panatilihin natin ang ating pananalig sa Poong Maykapal…”

Rey Langit, People Power Revolution, Corazon Aquino Feb18

Ito ang namutawi sa bibig ng Pangulong Corazon Aquino sa isinakatuparang pakikipanayam namin ni Deo Macalma sa kanya habang siya ay nasa isang civil disobedience campaign sa Cebu. Nag-aabang na noon ang military tank sa domestic airport na sasalubong sa kanya sa kautusan ni Gen. Fabian Ver.

Muling nakaiwas si Gng. Aquino sa sanay tiyak na kapahamakan.

DEFECTION

Mula kay General Favian Ver, tumawid ng suporta si Gen. Eddie Ermita. Dagli siyang nakipag-ugnayan sa akin upang isahimpapawid ang tinig ni Gen. Fidel V.  Ramos.

“Thank you so much, Rey, sa pagkakataong ito na binigay mo sa akin. This is my first time to be heard in the outside world…..”

Bahagi ito ng makasaysayang mga katagang namutawi sa bibig ni dating Pangulong Fidel V. Ramos sa ginawa kong pakikipanyam sa kanya habang siya’y nagku-kuta sa loob ng Camp Crame.

APPEAL

“Nais kong ulitin, Rey, na magsama-sama tayong lahat sa EDSA. Sa mga mamamayan, magtungyo tayo sa EDSA, ng sa gayon ay mailigtas natin ang buhay nina Minister Enrile at General Ramos….”

Ito ang tinig ni Jaime Cardinal Sin sa aming ginawang broadcast coverage.

Hindi matatawaran ang naging ambag ng kanyang kabunyian sa EDSA REVOLUTION !

KURYENTE

Isang unverified report ang kumalat na nagsasabing nilisan ni Marcos ang Malacañang. Dito nagsimulang mag-saya ang mga mamamayan sa Edsa, at dito isinagawa ni Gen Fidel V. Ramos ang makasaysayang pagtalon. Sinundan ito ng pagtanggal ng mga barikada sa mga gate ng Camp Crame.

Rey Langit, People Power Revolution, Fidel Ramos Feb18

Ngunit lingid sa kaalaman ng marami ay naroroon pa rin sa palasyo si Marcos. At sa pamamagitan ng aming reporter na si Dianne Manguni na nasa loob ng Malacañang noon, dagling nireport sa akin ang mga kaganapan sa loob. Ito pala ay isa lamang “kuryente” o walang katotohanang balita. Dagli ko itong ipinarating sa aming reporter na si Bing Formento na nasa loob ng Camp Crame at katabi ni Gen Ramos.

BING:         “Sir, General Ramos…pinasasabi po ni Rey Langit na naroroon pa rin sa Malacañang si Marcos…..”

Dagling ibinalik ang mga barikadang barbwire at muling isinara ang mga gates ng kampo.

UNSUNG HEROES

Ang pagkakapatalsik sa 20-taon na authoritarian ng rehimeng Marcos ay sumorpresa sa lahat at nasaksihan ng buong daigdig. Nauwi ito sa paglisan ng diktador sa Malacañang at ito ay na-exile sa Honolulu Hawaii, USA at si Mrs. Corazon Aquino ang naproklamang Pangulo ng Pilipinas.

Dito ko naranasan ang 53 oras na pagbabalita. Walang tulog, walang pahinga, punong-puno ng excitement, at walang katulad na mga experiences….
Naging inspirasyon na namin ang makapaglingkod sa Bayan sa pamamagitan ng Media.

Hindi ko man nabanggit lahat ang mga pangalan ng nakasama ko sa event na ito dahil ang iba ay namayapa na, sila ang mga “Unsung Heroes” ng media.

Mananatiling buhay ang kanilang ala-ala sa aming ISIPAN, PUSO, AT DIWA!

QUOTABLE QUOTES
“Truth is powerful and it prevails.”―Sojourner Truth

“I am not interested in power for power’s sake, but I’m interested in power that is moral, that is right and that is good.”―Martin Luther King, Jr.

 

Photos from Wikimedia Commons


Viewing all articles
Browse latest Browse all 617

Trending Articles