Pagbisita sa Saudi
Ang pagkamatay ni King Abdullah ng Saudi Arabia ay isang pandaigdigang balita. Nagkaroon ito ng karamdaman at pumanaw sa edad na 90. Ang kanyang kamatayan ang pagwawakas ng tinawag na world’s oldest monarch.
Kinumpirma ng kanilang Royal Court na si Crown Prince Salman, ang 79-year-old half-brother ng yumaong hari, ang siya na ngayong Hari ng Saudi Arabia.
Biglang nanariwa sa aking ala-ala ang aming ginawang pagbisita sa Saudi Arabia. Ito ay may kaugnayan sa aming media coverage sa working visit ng dating Pangulong Fidel V. Ramos sa Riyadh noong October 17, 1994.
Bagamat si Fahd bin Abdulaziz Al Saud noon ang aming nakaharap, siya ang King of Saudi Arabia bago maupo si Abdullah bilang Hari.
Mga Ipinagbabawal sa Saudi
Hindi pinapayagang maglakad ng sabay ang isang lalaki at babae na hindi mag-asawa. Kapag nahuli ng mga Muttawa (religious police) ay papatawan sila ng parusa.
Hindi rin pinapayagang tumitig ang isang lalaki sa isang babae. Kapag nahuli ay may kaparusahan, kaya ang advice sa amin noon ay ugaliing laging nakayuko para makaiwas sa gulo.
Hindi safe na gumamit ng sign language tulad ng nakagawian nating OK o thumbs up gamit ang hinlalaki o pagturo ng directions gamit ang hintuturo. Ang paggamit ng mga daliri sa pakikipag-usap ay may masamang pakahulugan sa kanila.
Nabalitaan ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa Saudi na naroroon ang aming delegasyon. Sa aming hotel na tinutuluyan ay dumating ang grupo ng mga Filipino nurses at hinahanap nila ako. Biglang nagkagulo ng dumating ang mga Nurses na ito. Sunod-sunod na tawag sa telepono ng aking silid ang aking natanggap mula sa front desk ng hotel.
Ganoon na lamang ang taranta ng mga staff at management ng hotel dahil hindi pala ito pinapayagan sa kanila. Hindi maaaring tumanggap ng bisitang babae ang sinomang lalaking guest kahit na sa lobby lamang ng hotel, kaya dagling pinalabas ng hotel staff ang mga Filipino nurses.
Alaala
Binisita ng Pangulong Fidel V. Ramos ang construction site na pinagtatrabahuhan ng mga Pilipinong manggagawa na kung tawagin noon ay OCW (Overseas Contract Workers). Karamihan dito ay mga laborer. Daan-daan din ang bilang nila na nagtatrabaho sa construction site sa Saudi.
Naunang bumaba ng sasakyan ang Pangulong Ramos. Sinalubong siya ng pagbati ng “Welcome Mr. President”.
Kasunod ng Pangulo ang grupo ng mga media at isa na ako roon. Nang matapat ako sa ating mga OCWs, sabay hiyawan at sigawan, nakiusap na pakuha ng larawan, palakpakan…at hindi talaga magkamayaw.
Hindi ko inaasahan na ganoon kainit ang ipapakitang pagsalubong ng ating mga Pilipinong manggagawa sa inyong lingkod sa Saudi Arabia.
Dagli akong nilapitan ng isa sa mga entourage noon ng Pangulong Fidel V. Ramos. Ito ay ang Chairman ng GSIS na si retired Military General Jose P. Magno.
“Rey, pasensiya ka na. Medyo lalayo muna tayo. Hihiwalay tayo sa grupo ng Pangulo para hindi distracted ang mga manggagawa (OFW) sa iyo,” sabi niya.
Natawa nalang ako. Nakatawag rin ito ng pansin sa marami kong kasamahan sa media. Ganoon na lamang ang kanilang pagtataka, kung bakit of all places ay sa Saudi pa ako pinagkaguluhan.
Serbisyo Publiko, Makabuluhang Paglilingkod
Doon sumagi sa aking isipan ang…”To Saudi With Love”. Ito ang isa sa aking mga palatuntunang sa radyo na tumutulong sa mga pamilya ng mga OCWs, mga manggagawang nagkakaroon ng problema sa Middle East, at nagbibigay ng libreng long distance na tawag sa mga manggagawa abroad at kanilang pamilya sa Pilipinas. Ang palatuntunan ding ito ang nagsisilbing tulay ng mga mag-asawa at kanilang pamilya.
Sa “On The Air” mo ay maririnig ang lahat ng kanilang mga personal na pag-uusap.
Dahil sa ginawang pakikipag-ugnayan sa akin noon ni dating Executive Secretary Oscar Orbos upang ang formula ng “To Saudi With Love” ang gamitin, ito ay naging effective tool na ginamit ng dating Pangulong Corazon Aquino upang magkausap ang mga magkakamag-anak sa panahon ng Gulf War sa Gitnang Silangan.
Ito ang panahong wala pa tayong cellphone at hindi pa uso ang text. Puro PLDT landline pa ang gamit at mahal ang long distance na mga tawag. Tape recorder ang ginamit ng ating mga OCWs noon. Magkukuwento sila gamit ang tape recorder at ipapadala ang cassette tape sa pamilya sa Pilipinas sa pamamagitan ng courier. Isang buwan bago ito makarating sa atin sa Pilipinas.
Balik-Tanaw
Paano ba nabuo ang “To Saudi With Love”?
Tandang-tanda ko pa noong ako ay nasa himpilang DZRH. Nag-ulat kami ng isang malaking media event. Ito ay malaking rally ng mga progresibong estudyante. Ang demonstrasyon na iyon ay bahagi ng tinawag na “2nd quarter storm.” Sila ay nagma-marcha sa kahabaan ng Quezon Avenue sa Quezon City mula sa UP Diliman. Papasok na sila sa siyudad ng Maynila sa may España St. nang biglang nagkaroon ng sunod- sunod na putukan.
Isang lalaki ang tumumba na di kalayuan sa RH mobile unit na gamit ng aming lady reporter na si Eloy Aquino. Ito’y nakasuot ng t-shirt na puti at duguan. Mabilis na inireport ni Eloy sa akin at kanyang isinahimpapawid ang detalye ng pangyayari. Ako ang DZRH News Director noon at ang main Anchorman ng coverage. Dagli ko namang tinawagan ng pansin si Dick Sinchongco, isa sa aming magaling na reporter na nakapuwesto sa UDMC, ang Ospital na malapit sa Welcome Rotonda, papasok sa Siyudad ng Maynila.
REY: “Dick, binigyan ko na ng instructions si Eloy na agad na itakbo diyan ang lalaki na duguan. May tama sa katawan…. At ikaw naman, i-sound off mo na ang mga doctor diyan para salubungin na ninyo sa main entrance ng ospital ang biktima.”
Ang Tatay
Habang nasa operating room ang biktima, pinilit kong kunin ang identity niya. Natuklasan kong siya ay anak ng UP Dean ng Institute of Arts and Sciences at eventually ay naging UP President na si Dr. Francisco “Dodong” Nemenzo.
Habang patuloy ang aming media coverage at ako ay nasa himpapawid, pinilit kong alamin ang mga magulang ng biktima. Napag-alaman kong nakabakasyon sa bansang Australia noon sina Dr. and Mrs. Nemenzo. Sa pamamagitan ng long distance call, nakausap ko si Dr. Nemenzo sa himpapawid.
REY: “Dean Nemenzo, Rey Langit po ito ng DZRH dito sa Pilipinas. On the Air po tayo sa Radyo. Buhay po ang Anak ninyo!”
Ganito ka-precise ang aking mga naging panimulang pangungusap upang maiwasan ang maaaring hindi magandang reaksiyon sa pagkabigla na mga maririnig sa himpapawid. Sinundan ko ito ng pagsasalaysay ng mga pangyayari.
REY: “Alam kong napakahirap tanggapin ang ganitong balita na nasa kritikal na kondisyon ang inyong anak habang kayo ay nasa ibayong dagat.”
Binigyan ko sila ng assurance na out of danger na ang kanilang anak. At upang magkaroon pa ng peace of mind sina Dr. Nemenzo ay pinakausap ko (gamit ang phone patch) sila sa surgeon na nag-opera sa kanilang anak. Ang nakuhang bala kay Fidel na tumama sa kanyang katawan. Ang distansiya ay quarter of an inch sa kaniyang spinal cord.
Ang aming nailigtas na si Fidel Nemenzo ngayon ay isa nang kilalang Professor of Mathematics.
Initiative and Creativity
Makalipas na matanggap ang napakaraming pagbati sa pamamagitan ng tawag sa telepono at liham, dagli kong pinuntahan ang Presidente at may-ari ng kumpanya na si Mr. Freddie Elizalde.
MR. ELIZALDE: Ano ngayon ang plano mo?
REY: Gusto kong gumawa ng serbisyo publikong programa na magiging tulay ng mga manggagawang Pilipino sa Gitnang Silangan sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas.
MR. ELIZALDE: Paano?
REY: Magbibigay tayo ng LIBRENG long distance calls…
MR. ELIZALDE: Pero mahal iyon…
REY: Kukuha tayo ng mga sponsors…
Ganito nabuo ang makasaysayang palatuntunang umani ng maraming parangal—ang Hall of Fame na “To Saudi With Love”.
Quotable Quote
“I think there’s no higher calling in terms of a career than public service, which is a chance to make a difference in people’s lives and improve the world.”—Jack Lew