MAGSILBING INSPIRATION
Mga larawan sa malawak na dingding at naglalakihang kisame, na hindi mo aakalain na gawa ng isang pang karaniwang tao na tambay ng Ermita, Maynila na si Eladio ang ating sisilipin at ilalalahad sa inyo, kung papaano naisakatuparan ng isang may malubhang karamdaman ang kanyang misyon sa daigdig.
Ang istoryang aming ibabahagi ngayon ay magsilbing ispirasyon sa marami nating mga kababayan na kapag dinapuan ng malubhang karamdaman ay dagling gumi-give up at nawawalan na pag asa pang mabuhay.
Ang istorya ni Eladio Santos ay aming binuo upang mapanood sa aming programang pang telebisyon na KASANGGA MO ANG LANGIT, napapanood tuwing Biyernes, alas diyes ng gabi sa PTV4. Dito mapapatunayan na habang may mission sa daigdig ay mananatili kang mabubuhay.
SI MALAKAS AT SI MAGANDA
Trese anyos ng matutong magpinta si Eladio. Naging malaking bahagi rin ng kanyang buhay pintor ang pagpinta nya kay Ginang Imelda Marcos bilang Mutya ng Pasig at ang si Malakas at si Maganda kung saan naging tampok sina dating Pangulong Ferdinand Marcos at dating unang ginang Imelda Romualdez Marcos. Hindi naging hadlang kay Eladio Santos ang kawalan ng sapat na edukasyon para palaguin ang kanyang kaalaman at talento. Isang buhay na patunay rin si Eladio na ang bawat isa sa atin ay nabubuhay nang mayroong misyon na dapat tuparin. Ang kanyang mga obra na mahirap malimutan.
Ermita, Manila na kilalang tambayan ng mga kilalang pintor mula nuon hanggang ngayon makikita ang gallery ni Eladio Santos. Dito patunay na sa pamamagitan ng determinasyon at pagsisikap ay hindi imposibleng makamit natin ang ating mga pangarap.



PURE IMAGINATION
Eladio: Naaalala ko dyan sa Children’s hospital, sa paligid nyan puro mga bata ang makikita mong nagpipiko, yan ang kapanahunan namin. Dyan sa Malacanang ang aking gunita ryan ay may isang diwata na nabubuhay dyan, yon si Imelda.
JR Langit: Imahinasyon mo ang lahat nang ito?
Eladio: Sa aking imahinasyon si Virgin Mary ay naririyan napapaligiran ng mga Angel, tapos dito yung impyerno, may apoy at sila ay nagtatagaan ng ganyan.
Ano nga ba ang misyon ng isang pintor na tulad ni Eladio Santos, at anong mensahe ang dapat nating mapulot upang maihambing sa ating sariling buhay na mayroon ding kahalintulad na misyon sa buhay, ating alamin.
BAGO PORTRAIT PAINTING
Sa pagpipinta ng mga posters para sa mga pelikula sya nagsimula hanggang sa malipat sya sa portrait painting.
JR Langit: ito pong mga pinipinta nyo noong araw portrait na po sya?
Eladio: Puro mga tao, ang subject ko puro mga figure, pano kasi nasanay kami kamukha niyan katulad ni Fernando Poe Jr, ganon din si Erap. Yan ang aking mga paintings na sinasabit nila sa sinehan. Kasikatan ng kanilang mga pelikula.
JR Langit: Doon ho kayo nagsimula yung mga portrait po sa mga sinehan?
Eladio: Oo yung mga sa sinehan, magmula kay Ramon Revilla nakagawa na ko dyan at iba pang mga sikat na artista at kanilang mga pelikula.
KAPOS SA PAG AARAL
Walang pormal na edukasyon pagdating sa pagpipinta si Eladio Santos at isa ito sa mga naging balakid para hindi makakuha ng mataas na puwesto sa mga contests.
JR Langit: Sariling sikap lang, sariling pag aaral lang ho ninyo ang pagpipinta.
Eladio: Kasi grade six lang ako eh, elementary lang ako pero ay sumasali na ako sa mga patimpalak. Mga nakakalaban ko mga taga UP, mga graduate ng UST, lagi lang akong second price. Komo mababa lamang ang pinag aralan ko, lagi na lang nilang ginagawa akong second price.
Sa kabila nito, hindi naging sagabal ang kawalan ng pormal na edukasyon upang mapagyaman ni Eladio Santos ang kanyang talento.
KAKAYAHANG PINOY
Eladio: kamukha nung sa nasa Israel ako, gumagawa ako ng actual portrait on the spot. Yun ang ginagawa ko tapos palipat lipat ako, minsan nasa Egypt nasa Athens hindi naman talaga ako nag wo work dun parang kuwan lang, sa Australia nag punta ako nag on the spot din ako sa Pag-pinta.
JR Langit: Ano po yung pinipinta nyo kapag punta ninyo sa ibang bansa?
Eladio: Yung mga kilala sa kanilang lugar tulad nung sa Australia, ginawa ko yung Opera house nila. Ginagawa ko ang Painting sa kanilang plaza tapos uuwi rin ako.
MUTYA NG PASIG
Naging malaking bahagi rin ng kanyang buhay pintor ang pagpinta nya kay Ginang Imelda Marcos bilang Mutya ng Pasig at ang Si Malakas at si Maganda kung saan tampok naman sina dating Pangulong Ferdinand Marcos at si Ginang Marcos.
JR Langit: Anong concept ho yung pinapagawa sa inyo?
Eladio: Parang diwata sya, parang inaabot nya yung water lily. Ang nangyari gumawa muna ako ng maliit na painting tapos pinakita kay Imelda, tapos sabi anong ibig sabihin nito? Ang sabi ko maam kayo ho ang Mutya Ng Pasig. Pagkatapos nun, na sabi niya…. “ako pala Mutya Ng Pasig ang dumi ng pasig kailangan ipalinis yan,” ipinalinis talaga nya, nag trabaho naman ang mga tao niya. Pinalagyan pa niya ng bakod ang ilog Pasig noon.
JR Langit: Ano naman ho yung konsepto nung si Malakas at si Maganda?
Eladio: Yung bumuka yung kawayan si Malakas at si Maganda. Bumabangon sila sa larawan ng ganun. Ang ginawa ko noon mga mukha po nila president marcos saka ni Imelda Marcos. Nakita ni Imelda yon, habang ineinspeksyon niya yong aking ginawang painting nag pakuha pa nga ako ng picture para may souvenir, pero walang lumabas sa litrato Malakas kasi mali ang ilaw.
KWENTONG LEGS NI IMELDA
Isang magandang kwento rin ng kanyang karanasan nang ipakita raw sa kanya ni Ginang Marcos ang kanyang legs.
JR Langit: Ano naman po itong istorya ninyo tungkol sa legs ni Ginang Imelda Marcos na kinukwenyo ninyo?
Eladio: Kuwan, habang ginagawa ko siya sa Painting ni Malakas at ni Maganda. Siyemre nka pose siya nang ganyan, maganda ang ginawa niyang posing, pero lumitaw ang kanyang legs sabi tuloy ni Blas Ople, naroon kasi siya sa Malacanang noon.
“Ma’am nasisilipan na ho kayo” sumagot naman si Imelda at sinabi, “talagang pinapasilip ko yan, para makita ninyo ang kagandahan.”
Pagkatapos nag tawanan silang lahat.
PINTURANG KOTSE
Silipin natin ang ibat ibang obra ni Eladio Santos, tulad na rin ng inyong nasaksihan sa aming KASANGGA MO ANG LANGIT at ang mga larawang ito ay sine-share din namin sa aming mambabasa upang higit ninyong maapriciate ang talento ng ating Painter na si Eladio.
JR Langit: Sir pinagawa rin po sa inyo tong fountain na ito na may gumamela?
Eladio: Pinagawa yan sa akin, yan gumamela nilagyan ko nalang ng maliliit na bulaklak, sabi nya anong kulay ang hindi nangungupas, lahat ng pintura halos nangungupas eh. Nakita ko yung kotse hindi nangungupas yung kulay, kaya ang ginawa ko pintura ng kotse ginamit ko kaya hanggang ngayon buhay pa.
JR Langit: Mga ilang years na po yan?
Eladio: Matagal na rin yan, siguro mga 3 years na rin yan o mga 4 years.
JR Langit: Umiilaw ho yan sa gabi?
Eladio: umiilaw yang fountain.
TAMBAY NG ERMITA
Dito sa Ermita, Maynila na kilalang tambayan ng mga kilalang pintor, ngayon halos siya na lamang ang natitira. Makikita pa ang gallery ni Eladio Santos, na tambay ng Ermita. Dito makikita ang kanyang mga likha at ng mga kasamahang pintor na karaniwan ay reproduction ng mga likha ng mga sikat na pintor.
JR Langit: Pag sinabi nyo po na ang painting ay commercialize, ano ang ibig sabihin ?
Eladio: Commercial, ibig sabihin walang originality, hindi original.
JR Langit: kopya ?
Eladio: oo kopya, pano kasi nasanay ako sa portrait. kung gusto ko na gumawa ng original pipicturan ko. Halimbawa pipicturan ko yung ubas, pipicturan ko yung isang subject yung kokopyahin ko original hindi kopya.
JR Langit: Eh ano po yung sinasabi nyo sa mga taong nagsasabi na hindi ho original yung ginagawa ninyo?
Eladio: Wala, hindi ko nalang yon pinapansin dahil negosyo lang yung sa akin. May gallery ako, may pinangangalagaan akong gallery. Eh marami rin akong mga kaibigan na mga pintor na ganun, pero ok lang.
MURAL SA SIMBAHAN
Pero higit sa kanyang gallery, mas naging abala si Eladio Santos sa nakalipas na mahigit dalawampung taon na sa paggawa ng mga murals sa mga simbahan. Tulad nang mga Paintings sa loob ng Ermita Church.
JR Langit: ilan pong paintings na o murals ang nagawa na ninyo dito sa Ermita church?
Eladio: itong buong yan may 14 stations , yung bawat isa nagagawa ko ng isang araw. Tapos kinabukasan gawa na naman ulit, isang araw lang bawat isa.
JR Langit: Saan, ano po pinagbasehan nyo sa 14 stations na yan, sa bible po ba?
Eladio: Sa bible, binigay ng pari, yong iba sa Christmas card. Yung kopya ko nyan nasa libro, kay velasquez yung Spanish painter.
NEAR DEATH
May ilang taon na rin ang nakakaraan, nang inakala ni Eladio Santos na mamamatay na sya dahil sa kanyang karamdaman.
Subalit ayon sa isang faith healer, hindi pa sya mamamatay dahil mayroon pa syang misyon sa mundo.
Eladio: Marami akong ginawa mga Santo na magmula nung umalis ako sa advertising, ikukwento ko yung parang himala. Nong una ayaw kong maniwala. Nagkasakit ako, bini- bleeding ako. Alam kong wala na akong pag asa. Dinudugo ako, Payat na payat ako tinawag ako nung faith healer. Yung faith healer puro santo yung bahay nya, lumang luma na. Ang sabi niya “huwag kang matakot… hindi ka mamamatay mayroon ka pang mission sa buhay.”
Anong misyon? Ang tanong ko sa kanya. Tapos noong medyo nakakalakad na ako, may tawag sa akin sa Binondo. Nag simula na akong mag Paint sa Binondo. Tapos sunod sunod na ang gawa ko, palakas naman ako ng palakas. Puro sa simbahan ang gawa ko, yon ito na nga ang naging mission ko. Hindi ako makapaniwala hangang Roma nakakarating yung gawa ko. Katulad nyan.
ANG KANYANG MISSION
Gumaling siya, nagkasunod sunod naman ang kanyang mga gawa at trabaho sa simbahan.
JR Langit: Puro simbahan na ho ang mga yan na gawa ninyo?
Eladio: Puro simbahan, sa ngayon, puro simbahan na. Hindi ko nga alam kung hangang kailan ang mission kong ito. Basta may nagpapagawa, tuloy lang ang gawa ko. Hindi ko na napapansin kung gaano na karami ang nagagawa ko.
JR Langit: Hanggat may simbahan di mauubos ang gawa nyo, ang trabaho nyo.
Eladio: Hanggat may bagong simbahan, may gagawin ako.
SUMMATION
Hindi naging hadlang kay Eladio Santos ang kawalan ng sapat na edukasyon para palaguin ang kanyang kaalaman at talento.
Isang patunay na sa pamamagitan ng determinasyon at pagsisikap ay hindi imposibleng makamit natin ang ating mga pinapangarap.
Ang istoryang aming ibinahagi sa inyo ay magsilbi nawang ispirasyon sa marami nating mga kababayan na kapag dinapuan ng malubhang karamdaman ay dagling gumi-give up at nawawalan na pag asa pang mabuhay.
Ang kasaysyang ito ni Eladio ay isang buhay na patunay na ang bawat isa sa atin ay may kanya kanyang misyon. Mananatili tayong buhay hangat hindi natatapos ang misyong ito na dapat nating gampanan.


