Quantcast
Channel: Rey Langit – Manila Speak
Viewing all articles
Browse latest Browse all 617

Hobbit House: Maliliit na Tao, Malaki ang Puso

$
0
0

Ibabahagi namin sa inyo ang isang exclusive na pakikipanayam ng Kasangga Team sa pangunguna ni Jr Langit at production staff ng “Kasangga Mo Ang Langit” ang TV show na napapanood tuwing Linggo ng 10:30pm sa PTV4.

INSPIRED NG LORD OF THE RINGS

Walang malaking nakakapuwing.

Ito ang kwento ng Maliliit na Tao subalit may malaking Puso at mga pangarap. Nag samasama sila sa Hobbit House.

Nabuo ang konsepto ng Hobbit House mula sa librong Lord of the rings.

Dahil sa Hobbit House, nagkaruon sila ng sariling lugar sa mundo at nagkaruon ng pagkakataong mangarap at tuparin ang pangarap na yun para sa kanilang pamilya. Ito ang nag silbing Pagasa para sa mga taong malimit na minamaliit.

Hindi isang simpleng bar at restaurant lamang ang The Hobbit House.

Binisita ng Kasangga team ang Hobbit House sa Malate Maynila, isang restaurant kung saan ang namamahala at waiters ay maliliit na tao.


ANG PAMANA

Ang Hobbit House ay itinatag ni Jim Turner noong December 1973, isang Amerikano mula sa estado ng Lowa sa Estados Unidos na isa sa mga naunang peace corps volunteers sa Pilipinas. Dati ang Hobbit house ay nasa Mabini st. Malate Maynila bago ito nalipat sa kanto ng M.H del Pilar Avenue at Arquiza streets. Ginamit ni Turner ang negosyong ito upang makapagbigay ng disenteng trabaho sa mga maliliit na tao.

Naka kwentuhan ni JR Langit si Mheann Crisostomo ang isa sa Part Owner.

Jr: Paano nga ba nabuo ang concept ng the Hobbit House?

Mheann: Nabuo ang concept ng Hobbit House manila dahil sa boss ko na si Mr. Turner, mahilig siya magbasa ng libro. Tapos one time, nabasa niya ‘yung libro ni JRR Tolkien ng Lord of the Rings, dun siya nagkaroon ng idea na magkaroon ng kahit na maliit na bar na ang mga server ay maliliit na tao.

Limamput isang taong nanirahan sa Pilipinas si Turner. Bago pa pumanaw si Jim Turner, pinamana na niya ang pagmamay ari at kontrol ng Hobbit House sa kanyang mga alagang maliliit na tao.

Simbolo ito ng pagasa para sa isang komunidad na halos hindi pinapansin ng lipunan….ang komunidad ng Little People.

Ayon kay Pidoy Fetalino:

” Ang advice ko sa kanila, ituloy lang ang Hobbit House dahil ang gusto ko, umabot pa ng 3rd generation. Kasi ako ang 1st generation. Gusto ko umabot pa sa 3rd generation.

Kahit nag-aral ka, kahit master degree ka, may mga company na nagdi-discriminate. ‘yung mga katulad ko na little people, dati nagtratrabaho nalang sa mga carnival. Pinagkakatuwaan nalang ng mga tao.”


TOURIST DESTINATION

Pidoy: Ang Hobbit House noong araw, iba ang dating niya, iba ang ambiance niya kasi parang bahay talaga siya ng maliliit talaga. So, ito nga lumipat kami 2006. Bale 9 years na kami dito.

Dati kami sa Malate eh. Noong panahon na ‘yun, talagang napakaraming customer. Maluwag pa noon ang Ermita, ang Malate. Marami talagang turista noong araw.

Jr: So mga turista pala ang inyong kadalasang parokyano?

Pidoy : oo, mostly talaga mga turista. Natuwa naman ako dahil hanggang ngayon, buhay pa ang Hobbit House. At isa ako sa pioneer. Bale 43 years na ako sa Hobbit House.


hobbit_house03

FOOD AND FOLK SONGS

Kumpleto ang Menu ng Hobbit house mula sa steak, isda, chicken, pasta, pizza, mexican food at halos dalawandaang ibat ibang klase ng beer at cider mula sa Australia at Spain.

Ang entertainment ay folk music at sa katunayan, ang Hobbit House ang unang nagbigay ng break sa folk music legend na si Freddie Aguilar.

Jr: Ano sa tingin ninyo ang kinagandahan ng Hobbit House kaya marami kayong parokyano?

Pidoy : Kasi, ang main attraction dun, kami. Kami ang dinadayo ng mga parokyano, ‘yung mga pagkain namin, masasarap. Maraming klaseng inumin. Maraming klaseng beer. At saka ‘yung folk singer at saka ‘yung ambiance ng Hobbit House.


.hobbit_house02

CAREER-MAN

Higit sa lahat, naging kakaiba ang Hobbit house dahil ito ang nagbigay ng malaking pagkakataon sa mga maliliit na tao para mangarap ng malakihan. Isa si Pidoy Fetalino sa mga naunang waiter sa Hobbit House.

Pero hindi natigil sa pagiging cashier ng Hobbit House ang papel ni Pidoy dahil pinag aral sya ng Management ni Turner at kalaunan ay ginawang Manager.

Jr: ilang taon lang po kayo nun?

Pidoy : 23 yrs old. Batang bata ako nun. Nung nandito na kami, sabi ko maganda ‘yan kasi talagang para sa amin na maliliit talaga ang aming hanapbuhay.

Jr: Nabigyan po kayo ng importance at chance na magtrabaho.

Pidoy : Nabigyan kami ng chance magtrabaho since 1973. So, 1975, ‘yung mga nagiging guest namin isa dun kaibigan ko ‘yung daddy mo, si Rey Langit kaibigan siya ng may ari na si Mr. Tuner at natutuwa ako na nagkita tayo.

Jr: Ano po ‘yung natutunan ninyo kay Mr. Turner?

Pidoy : Alam mo, marami eh. Dahil dun ko nalaman kung paano talaga ang buhay, buhay maliliit kasi iba kami eh. Iba kami sa tingin ng tao eh. Minsan may discrimination eh. Nung pumasok ako sa Hobbit House, marami akong natutunan dahil nagkaroon kami ng hanap buhay at isa pa, pinag-aral niya ako ng restaurant management. Noong nakatapos ako ng management, ako na ang nag manage pero katuwang ko siya. So nag manager ako dito ng mga 20 years. Pero ngayon retired na ako.


CORPORATION NG LITTLE PEOPLE

Ang Hobbit house ay naging ganap na Korporasyon ng maliliit na tao. Ipinasa ni Turner ang pagmamay ari at kontrol ng Hobbit House sa kanyang mga tauhan. Mula nuon ang mga tauhan ni turner na halos hindi umabot sa apat na talampakan ang laki ay nagsimula nang mangarap ng malaki.

Jr: May pamilya na rin po kayo?

Pidoy: Oo. Ang pamilya ko, may dalawa akong anak. ‘yung isa sa Canada, ‘yung isa sa Dubai. ‘yun ang masasaya kong experience sa Hobbit House at nagsakripisyo ako, pinagtapos ko ang aking mga anak sa kanilang pag-aaral. Salamat naman at okay naman sila. At salamat Sir kung saan ka man naroroon, nandito lang kami. Ako tumutulong pa rin sa Hobbit House pero retired na ako eh.

Jr: Ano pong pinagkakaabalahan niyo ngayon?

Pidoy: Madalas ako sa probinsya. Dun ang aking bahay sa Quezon province, Tayabas.


.hobbit_house01

HOBBIT HOUSE SA BORACAY

Sa ngayon, kabilang na ang Hobbit House sa mga nalalagay sa mga foreign travel guides na pinupuntahan ng mga turista at minsan na ring nanguna sa listahan nuong 2010, ng Lonely Planet bilang kakaibang uri ng bar.

Maliban sa hanapbuhay, ang Hobbit House rin ang nagbigay ng pagasa sa lumalaking komunidad ng maliliit na tao sa Pilipinas.

Dahil sa Hobbit House, hindi na limitado lamang sa pagiging katatawanan sa pelikula at palabas sa mga perya ang papel at hanapbuhay ng maliliit na tao sa Pilipinas.

Ayon pa kay Mheann Crisostomo ng HOBBIT House.

“Kasi pangalawang reason niya ay makatulong sa aming maliliit na magkaroon ng disenteng trabaho. Kasi diba, dati more on discriminations kasi. Kahit nag-aral ka, kahit master degree ka, may mga company na nagdi-discriminate. ‘yung mga katulad ko na little people, wala silang choice dahil wala silang hanapbuhay talaga. So tinayo niya ito para makatulong sa katulad naming maliit.”

At sa pagdaan ng panahon, patuloy na lumalaki ang negosyong pinatatakbo ng maliliit na tao.

Nuong 2006 binuksan ang branch ng Hobbit house sa Boracay at bukas na rin sila para sa franchising.

Jr: future plans po sa Hobbit House?

Pidoy : Ang advice ko sa kanila, ituloy lang ang Hobbit House dahil ang gusto ko, umabot pa ng 3rd generation. Kasi ako, 1st generation ako eh. Gusto ko umabot pa sa 3rd generation. ‘yung mga anak nilang maliliit. ‘yun ang gusto ko mangyari. So ang sabi ko sa kanila, ituloy niyo lang at diyan ako mag-aadvice sa inyo, diyan ako bilang nakakatandang kapatid niyo.


SUMMATION

Dati dati sa mga fantasy books lang natin sila nababasa, ang pagkaka kilalala natin sa kanila kung hindi duwende, unano o nuno sa punso, dahil ito ang madalas nilang ginagampanang papel sa Pelikula.

Ngunit mula ng makilala nila ang isang Jim Tuner kakaibang challenge na ang dumating sa kanilang buhay. Hindi na ang dating maliliit na taong sa Carnaval o peryahan napapanood kung hindi trabaho na ng mga pangkaraniwang tao ang kanilang ginagampanan.

Nakilala ko ang yumaong Jim Turner sa pamamagitan ng aking dating Boss at kaibigan na si Fred Elizalde na may-ari ng Manila Broadcasting Co. at himpilang DZRH na dati kong pinag-lingkuran ng mahabang panahon.

Magkaibigan sina Jim at Fred, at nang ipakilala sa akin si Jim, doon ko nakita ang pagmamahal ni Jim sa mga little people. Maka ilang beses na rin akong nakadalaw sa Hobbit House dahil kay Boss Freddie.

Ang ipamana ni Jim sa mga maliliit na tao ay hindi lamang ang dugo’t pawis na pinundar niyang Hobbit House, kung hindi ang pagkalinga, pagmamahal, paghubog upang palakihin ang mga little people ng tulad ng normal na tao na nag-ahangad din ng magandang kinabukasan para sa kanilang sarili at pamilya. Naging witness ako kung paano niya tratuhin na parang tunay na anak ang mga ito. Siya ang nag iisang Jim Turner na may malaking Puso para sa maliliit na tao.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 617

Trending Articles