Kamakailan ay ginunita namin ang 11th death anniversary ng ating Kasanggang si Reyster Langit. Sa tuwing sumasapit ang araw ng kanyang kamatayan nag sasakatuparan ng outreach program ang Kasangga Mo Ang Langit (KMAL) Foundation.
GIFT GIVING
Ibinahagi namin sa ating mga nangangailangang kababayan ang mga biyayang ating natatanggap, sa pamamagitan ng gift giving. Ipinamahagi ng KMAL Foundation ang mga school supplies at bag of groceries sa may isang daang bata ng Bernardo-Reyes Compound, Fourth Estate Subdivision, Brgy. San Antonio, at gayon din sa mga pamilya ng mga helper o taga-alaga ng mga puntod sa Manila Memorial Park, Sucat, Paranaque City.
Sa bawat pamamahagi ng regalo ng KMAL Foundation ay may mga grupo at individual na tao na hindi nagsasawang sumuporta at maghandog ng tulong.
Ang mga sukling ngiti at pasasalamat na natanggap naman namin sa ating munting gift giving ay tunay namang nakakataba ng puso.
ADVOCACY
Hindi man natin kapiling si Reyster ngayon, ang kanyang adbokasiya ay sinisikap naman naming laging maitaguyod at maipadama sa ating kapwa mahihirap na laging buhay ang alaala ni Reyster.
Mga alaala at leksyon na iniwan ng ating Kasanggang si Reyter Langit ay hindi dapat makaligtaan at malimutan.
Sa tuwing sumasapit ang araw ng kamatayan ng aking anak at Kasanggang si Reyster, hindi lamang ang aming pamilya, kaanak at mga kaibigan ang nagtitipontipon.
COMMITMENT
Simple man ang aming nakayanan, sinisikap naman namin itong laging mapagpatuloy, ang nakasanayan nang out reach at hindi matutuldukan.
Ang huling misyong iniwan ni Reyster ay aming ini handog sa pamamagitan ng isang espesyal na edisyon ng Kasangga Mo Ang Langit television program na aming isinahimpapawid noong nakalipas na Linggo ng 10:30 ng gabi sa PTV4.
FLASHBACK
Mga tagpo sa pinakahuling dokumentaryong kanyang ginampanan, na nagbukas sa kamalayan ng sambayanan sa kalagayan ng mga katutubong nabibilang sa tribong Tao’t Bato sa Singnapan, Palawan ay muli naming binalikan.
Matarik, madulas at masukal na bundok ang tinahak ng KMAL team bago natunton ang pakay na tribo ng Tao’t Bato.
MISSION
Labing isang taon na rin ang mabilis na lumipas mula ng mamaalam ang ating mahal na direktor, kaibigan, anak at Kasanggang si Reyster. Alaala ng namayapa nating kasangga, ay muli naming binalikan. Serbisyo-publikong kanyang ginampanan bilang mamamahayag noong sya ay nabubuhay, muling sinariwa sa alaala.
Hangang sa huling yugto ng kanyang buhay, isang misyon parin ang kanyang ginampanan, na syang nagpamulat sa ating lahat na mayroon palang mga katutubo sa Singnapan, Palawan na nangangailangan ng tulong at kalinga ng Pamahalaan at ng ating lipunan.
Ang dokumentaryong nagbukas ng kamalayan ng lipunan sa pamumuhay, kaugalian at misteryosong sakit na cerebral malaria na kumikitil sa buhay ng mga katutubong Tao’t bato sa Singnapan, Palawan.
MEMORIES
Ang espesyal na edisyon na aming ini-handog bilang paggunita sa pinaka huling misyong nagampanan ng kasangga nating si Reyster bago sya mamaalam.
Ngunit sa bawat taon na lumipas, ang kanyang alaala ay nananatiling buhay sa isipan at sa puso ng bawat taong minsan na nyang nakasalamuha, nabigyan ng tulong at Insperasyon.
QUOTABLE QUOTE
Death leaves a heartache no one can heal, love leaves a memory no one can steal.
― From an Irish headstone